Misis nakunan,mister nagbigti

CARDONA, Rizal – Isang mister ang nagpasyang wakasan ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti makaraang malaman na nalaglag ang dinadalang sanggol ng kanyang misis sa Brgy. Looc ng bayang ito, kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na nakilalang si Isidro Amador, 24, ay nakitang walang buhay habang nakabigti ng nylon cord na ipinulupot sa leeg at itinali sa kisame ng kanilang bahay sa Sitio Sampaloc, Brgy. Looc.

Batay sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-4:30 ng hapon na nakabitin sa nasabing bahay ng isang kamag-anak. Agad itong humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang ibaba ang nakabiting biktima.

Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng sobrang kalungkutan ang nagbunsod sa pagpapakamatay ng biktima makaraang malaman nito na nakunan ang kanyang misis na si Michaela sa panganay sana nilang anak.

Dinala ang bangkay ng biktima sa PNP Crime Laboratory upang sumailalim sa awtopsiya. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments