Patagong prostitusyon sa Olongapo lumalala

OLONGAPO CITY – Hindi lamang sa bayan ng Subic, Zambales laganap ang prostitusyon na sangkot ang mga menor-de-edad na kababaihan kundi maging ang lungsod na ito na dating tinaguriang "sin city" ay pinasok na rin ng mga "college students" ang pagbebenta ng panandaliang-aliw sa murang halaga.

Ito ang impormasyong nakalap ng PSN mula sa impormante na ayaw ipabatid ang pangalan na isang ekslusibo at prestisyosong paaralan na matatagpuan sa Alba St., Barangay East Tapinac sa nasabing lungsod na umano’y ilang kolehiyala ang sangkot sa talamak na prostitusyon.

Ayon pa sa source na pawang nasa edad 17-hanggang 21-anyos ang mga kolehiyalang nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga kalalakihan at sa sikretong nirerentang apartment nagaganap ang pakikipagtalik.

Nabatid na isang baklang bugaw na nakilala lamang sa pangalang "Georgie" ang siyang kumokontak sa mga kababaihang estudyante kung may mga kostumer ng "nakalinya" at naghihintay.

Sinabi pa ng source sa PSN na hindi bababa sa P500 hanggang P1,500 ang presyo na ibinabayad sa mga estudyante ng mga kostumer matapos ang ilang sandaling panandaliang-aliw.

Ang modus-operandi na ito ay matagal nang inirereklamo ng mga konsernadong mamamayan subalit ayon sa impormante ay hanggang sa ngayon ay hindi maaksyunan ng kapulisan ang laganap na talamak na prostitusyon sa nabanggit na lungsod. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments