Mayor ligtas sa landmine,police escort sugatan

Camp Crame – Himalang nakaligtas sa kapahamakan ang isang alkalde samantalang sugatan naman ang security escort nito makaraang sumabog ang itinanim na landmine ng mga pinaghihinalaang rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Magsaysay, Davao del Sur nitong Biyernes.

Base sa report na tinanggap kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., kinilala ang target na alkalde na si Magsaysay Mayor Arthur Davin. Ang nasugatan naman nitong security escort ay nakilala namang si SPO1 Edgardo Adlawan.

Nabatid na bandang alas- 3 ng hapon habang kasalukuyang bumabagtas sa kahabaan ng highway ng Brgy. Bacungan sa bayan ng Magsaysay ang Toyota Tamaraw na kinalululanan ng alkalde nang magulungan nito ang patibong na landmine ng mga rebelde.

Ayon sa pulisya, patungo umano ang alkalde sa munisipyo kasama ang mga security escort nito matapos dumalo sa isang piyestahan sa Brgy. Malawanit nang maganap ang insidente.

Hinarangan umano ng mga rebelde ng malalaking tipak na bato at mga kahoy ang daan kaya nahirapang bumagtas sa lugar ang sasakyan ng alkalde kung saan ilang saglit pa ay sumabog ang landmine.

Nawasak ang gitnang bahagi ng sasakyan sa nilikhang pagsabog at mabuti na lamang umano at hindi nahagip ang target na alkalde.

Pinaniniwalaan namang ang pagtatangka sa buhay ni Davin ay may kinalaman sa mariin nitong pagtanggi na magbayad ng ‘permit to campaign fees’ na ipinapataw ng mga rebelde sa mga tatakbong kandidato. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments