Pasugalan sa Subic Bay Freeport lumalala

SUBIC BAY FREEPORT – Nagmistulang inutil at tila bulag, pipi at bingi ang ilang opisyales ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Law Enforcement Department (LED) laban sa talamak na operasyon ng mga pasugalan na patuloy ang pamamayagpag sa kasalukuyan dito.

Ito ang isiniwalat sa PSN ng isang mapagkakatiwalaang impormante na patuloy ang operasyon ng mga pasugalan dito na karamihan sa mga nalululong ay pawang mga menor-de-edad.

Binanggit pa ng source na kumikita ang naturang pasugalan sa Sub-com area, Subic Bay Freeport, ng mahigit sa P1 milyon ang nakokolekta kada araw ng mga gambling lord na sina "Louie" alyas "Boy Boga" at "Tata Romy M.", umano’y malapit na kaibigan ng isang opisyal ng SBMA.

Nabatid pa ng PSN na hindi mapigilan at hindi masawata ng mga tauhan ng Law Enforcement Department (LED) SBMA sa pamumuno ni Ret. Col. Antonio De Guzman ang mga pasugalan nina Louie at Tata Romy M. dahil sa malaking halaga ang ipinapatong umano nito sa mga tiwaling opisyal ng pulisya at SBMA dito kapalit ng kanilang proteksyon.

Binatikos naman ng mga residente ng Olongapo City ang mga opisyal ng SBMA dahil sa pinapayagang magtayo ng mga pasugalan sa Freeport.

Sinubukang makapanayam si Amado Cruz, Deputy Administrator for Administration ng SBMA subalit sinabi nitong kanya itong paiimbestigahan. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments