Brgy.chairman binoga sa mosque

CAMP AGUINALDO – Nakikipagbuno ngayon kay kamatayan ang isang brgy. chairman matapos pagbabarilin ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang nagdarasal sa loob ng mosque sa Patikul, Sulu, ayon sa ulat kahapon.

Ang biktimang kinilalang si Hatib Rojin Payan, may-asawa, brgy. chairman ng Tubig Jatih, Panao, Sulu na nagtamo ng tama ng bala sa diddib ay kasalukuyan ngayong inoobserbahan sa Sulu General Hospital.

Pinaghahanap naman ang isa sa itinurong suspek na si Japaire Saradi na tumakas matapos ang krimen.

Sa imbestigasyon, bandang alas-7:30 ng gabi habang ang biktima ay nagdarasal sa loob ng mosque sa bisinidad ng Godines, Brgy. Jatih, Patikul, Sulu nang pagbabarilin ng mga suspek.

Bigla na lamang sumulpot sa nasabing pook sambahan ang mga suspek saka isinagawa ang krimen.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal .9MM pistol. Inaalam pa ang motibo ng krimen habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments