December 15, 2003 | 12:00am
BULACAN May posibilidad na may kaugnayan sa negosyo kaya niratrat ang mag-asawang trader ng dalawang hindi kilalang lalaki na ikinasawi ni misis habang kritikal naman si mister sa naganap na karahasan sa Cagayan Road, Barangay San Jose, Baliuag, Bulacan kamakalawa. Nakilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Mylene Cai, 30, habang ginagamot naman si Raymond Cai, 38, na kapwa may-ari ng JRM lumber sa Barangay Poblacion, Bustos, Bulacan. Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ng kotseng may plakang UPM-165 ang mag-asawa nang harangin ng mga killer na sakay naman ng motorsiklo. Agad na pinagbabaril ang mag-asawa saka tumakas ang dalawa patungo sa hindi nabatid na direksyon. -
(Efren Alcantara)
Kumanta Ng My Way Tinodas |
RIZAL Pinaniniwalaang nairita sa sintunadong kinakantang "My Way" kaya pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang 53-anyos na electrician ng dalawang senglot na lalaki sa videoke bar sa Barangay Banaba, San Mateo, Rizal kamakalawa ng gabi. Walang buhay na iniwan ang biktimang si Mario Donaire ng Sta. Cecilia St., Sitio Ibayo, Barangay Maly, samantalang hindi naman nakilala ang dalawang suspek na agad na tumakas matapos isagawa ang krimen bandang alas-9:25 ng gabi sa Ok Ka Lang videoke bar. Base sa ulat ng pulisya, nasa kalagitnaan na ng kantang "My Way" ang senglot na biktima nang mairita ang dalawa kaya nilapitan at pinagtulungang saksakin. (Edwin Balasa)
CAMP AGUINALDO Tinatayang aabot sa P2 milyong ari-arian ng isang trucking corporation ang sinunog ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa panibagong paghahasik ng karahasan sa Ormoc City, kamakalawa. Batay sa ulat, bandang alas-10:30 ng umaga nang bigla na lamang sumulpot ang mga rebelde sa tanggapan ng MC Builders Trucking Corp. sa Sitio Kahayag, Panilihan River, Macabug, Ormoc City. Bago tuluyang nagsitakas ay nagbabala pa ang mga rebelde na masusundan pa ang pananabotahe sa MC Builders Trucking Corp. kapag di nagbigay ng revolutionary tax ang may-ari na si Manuel Chua sa kilusang komunista. (Joy Cantos)