Ayon kay PDEA Director Gen. Anselmo Avenido Jr., pasado alas-8 ng gabi nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang naturang shabu laboratory na matatagpuan sa St. Lazarus Village, Brgy. San Nicolas, Sto. Tomas ng lalawigang ito.
Sa nasabing operasyon ay nasakote ang maintainer ng shabu laboratory na kinilalang si Luisito Enumerable, isang welder at tubong Taal, Batangas na hindi na nakapalag sa raiding team.
Nasamsam sa lugar ang tinatayang 10 -15 kilo ng likido at solidong shabu products na ayon sa mga awtoridad ay very crude dahilan sa posibleng idulot na mental illness sa mga taong gagamit nito.
Base sa isinagawang beripikasyon, nabatid na minsan nang nabilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) ang suspek dahilan sa kasong pagtutulak ng illegal na droga pero nakatakas at nasangkot naman sa pagmamanupaktura ng shabu.
Nabatid pa kay P/Supt. Pepito Domantay ng PDEA Batangas , isang alyas Marcial ng Culiat, Tandang Sora, Quezon City ang umanoy sinusuplayan ng droga ni Enumerable na pakay ngayon ng hot pursuit operations ng mga awtoridad.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa nasakoteng suspek. (Ulat ni Joy Cantos)