2 bagets na magsasaka pinatay ng MILF

CAMP AGUINALDO – Dalawang menor-de-edad na magsasaka ang nasawi matapos na pagbabarilin ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Lost Command sa naganap na karahasan sa Kabacan, North Cotabato kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Nasrudin Mangumbas, 16 at Maidu Mangumbas, 10, pawang mga residente ng Barangay Buluan.

Himala namang nakaligtas si Papa Mangumbas bagamat nadaplisan ito ng tama ng bala at kasalukuyan nang ginagamot sa Kabacan Medical Center.

Base sa imbestigasyon, bandang alas-2 ng madaling-araw naganap ang krimen habang nagpapakain ng mga alagang hayop ang tatlong biktima sa kanilang bukirin sa Barangay Buluan.

Bukod sa anggulong MILF Lost Command ang nasa likod ng pagpaslang ay masusi ring sinisilip na posibleng mga taong may matinding galit sa mga biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments