2 piloto ligtas sa plane crash

Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang dalawang piloto makaraang aksidenteng bumagsak ang eroplanong OV-10 bomber ng Philippine Air Force sa liblib na bahagi ng Barangay Munting Indang, Nasugbu, Batangas kahapon ng tanghali. Ayon kay PAF Chief Lt. Gen. Nestor Santillan, kapwa nilalapatan ng lunas sa Villamor Air Base Medical Center sina Capt. Froilan Paras at 1st Lt. Peter Paul Lim na kapwa nakatalaga sa 15th Strike Wing ng PAF sa Danilo Atienza Air Field, Sangley Point, Cavite City. Napag-alaman sa ulat na patungo ang nasabing eroplano sa Sangley Point, Cavite City mula sa Puerto Princesa nang magkaroon ng diperensiya ang makina sa ere bago bumulusok bandang alas-12 ng tanghali. Agad namang nakalabas ng eroplano ang dalawa bago pa tuluyang bumagsak sa lupa ang OV-10 bomber. (Ulat ni Butch M. Quejada)

Show comments