SULYAP BALITA

Saleslady Todas Sa Agaw-Cellphone
CAVITE – Isang 18-anyos na saleslady ang dalawang ulit na sinaksak at napatay ng agaw-cellphone makaraang manlaban ang biktima kamakalawa ng umaga sa Burgos Avenue, Barangay San Roque, Cavite City. Idineklarang patay sa Bautista Hospital ang biktimang si Manilyn Turija ng 456 Ronquillo St., Barangay Caridad, Cavite City. Nadakip naman ang suspek na si Victorino Jugo, 27, trike driver ng 37 Gabriel Subdivision, Hulo, Malabon City. Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya na ginagamit ng biktima ang hawak na cellphone patungo sa sementeryo bandang alas-10 ng umaga nang biglang agawin ng suspek pero nagawang manlaban ng saleslady na naging sanhi ng kanyang kamatayan. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
Kawal Lasog Sa Granada
CAMP AGUINALDO – Maagang kinalawit ni kamatayan ang isang 24-anyos na kawal ng Philippine Army makaraang sumabog ang pinaglaruang granada na ikinasugat ng malubha ng dalawa pa sa Barangay Ammugaoan, Sto. Tomas, Isabela kamakalawa ng gabi. Ang biktimang nakatalaga sa Army’s 21st Infantry Battalion ay nakilalang Pfc. Hilario Acosta, samantala, malubhang nasugatan sina Rogee Tagayun at Marjun Mamaoag. Sa ulat na ipinarating kahapon sa Camp Aguinaldo, lumalabas na senglot si Acosta na naglalakad habang pinaglalaruan ang hawak na granada. Bandang alas-8:15 ng gabi nang dumaan ang biktima lango sa alak sa tindahan habang nakatayo sina Mamaoag at Tagayun. Dito nabitiwan ni Acosta ang hawak na granada at agad na sumabog. (Ulat ni Joy Cantos)
Obrero Na Nangulila Sa Pamilya, Nagbigti
RIZAL – Pinaniniwalaang nangulila sa pamilya ang isang obrero kaya nagdesisyong mag-suicide sa loob ng kanilang bahay sa St. Joseph St., Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal kahapon ng madaling-araw. Ang biktimang natagpuan ng kanyang bayaw na nakabitin sa kisame ay nakilalang si Ferdinand Gales, 42 na kinitil ang sariling buhay dakong ala-1 ng madaling-araw. Ayon sa pulisya, huling namataang buhay ang biktima na nakikipag-inuman ng alak sa kanyang bayaw na si Marlon Tagulao. Nabatid na naikuwento ng biktima na nagtungo ang kanyang pamilya sa Mindoro para gunitain ang Undas kaya nangulila ito. Pero lingid kay Marlon ay nagpasyang mag-suicide ang kanyang bayaw dahil sa pangungulila sa pamilya. (Ulat ni Edwin Balasa)
7 Marino Nasagip Sa Lumubog Na Barko
CAMP SIMEON OLA, Legazpi – Pitong marino ang nasagip ng mga awtoridad makaraang masalpok ang sinasakyang M/V William Sy ng mga biktima ng cargo vessel sa karatagan sakop ng Barangay Bapr, Masbate kamakalawa ng madaling-araw. Base sa pagsisiyasat, padaong na ang M/V Iligan Merchant sa pantalan ng naturang lugar nang aksidenteng masalpok ang kasalubong na M/V William Sy na nagresulta para mabutas ang gilid nito hanggang sa lumubog. Bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang magresponde ang mga awtoridad kaya nasagip ang pitong marinong sakay ng naturang barko at aabot naman sa P3 milyong ari-arian ang naapektuhan ng pangyayari. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments