Magkaibigan todas sa 2 holdaper

RIZAL – Maagang kinalawit ni kamatayan ang magkaibigan makaraang pagtulungang saksakin ng dalawang holdaper habang naghihintay ng masasakyan ang mga biktima sa waiting shed ng Señora dela Paz kahapon ng madaling-araw.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Unciano Medical Center ang mga biktimang sina Rocky Dacutanan, 27 at Luciano Carumay, 28 na kapwa residente ng Sitio Saguingan, Barangay Sta. Cruz, Antipolo City.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para madakip ang dalawang hindi kilalang holdaper.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, bandang ala- 1 ng madaling-araw nang holdapin ang mga biktima habang naghihintay ng pampasaherong dyip sa nasabing lugar.

Matapos na limasin ang alahas na suot, pera at cellphone ng magkaibigan ay bigla na silang inundayan ng sunud-sunod na saksak ng patalim.

Isinugod naman ang magkaibigan ng isang nagmalasakit na motorista sa naturang ospital subalit namatay din ang mga ito habang nilalapatan ng lunas. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments