Katiwala ni-rape at pinatay ng adik

CALAMBA CITY, Laguna – May posibilidad na adik sa bawal na droga ang humalay at pumatay sa isang 48-anyos na katiwala makaraang madiskubre ang itinagong bangkay ng biktima sa Barangay Pansol sa lungsod na ito kamakalawa.

Ang bangkay ni Melita Elen ay natagpuan ng mga residente na tinakpan ng mga pinutol na damo sa magubat na bahagi ng nabanggit na barangay.

Ayon sa pulisya, may palatandaang hinalay ang biktima bago hinataw ng matigas na bagay sa ulo at tinakpan ng putol-putol na damo sa malalim na bangin.

Agad naman dinakip ang suspek na si Sammy Bulawan, 21, kapitbahay ng biktima matapos na mamataan ng mga barangay tanod na umaaligid sa bahay ng babae ilang oras matapos na matagpuan ang bangkay.

Kinukuwestiyon ng pulisya ang suspek na may sugat sa braso na pinaniniwalaang kinalmot ng biktima matapos na isagawa ang krimen.

Patuloy naman nangangalap ng matibay na ebidensiya para idiin ang suspek sa karumal-dumal na krimen. (Ulat ni Rene Alviar)

Show comments