Kinondena ng mga residente ang kawalang aksyon ng mga tauhan ni Subic Mayor Jeffrey Khonghun sa paglaganap ng illegal na droga, prostitusyon at bold shows sa nasasakupang lugar.
Napag-alaman sa mga residente ng naturang lugar na ilang tiwaling opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan ng Subic partikular sa CIDG sa Zambales at lokal na pulisya ng Subic ay pinaniniwalaang nakikinabang sa mga illegal na operasyon ng prostitusyon sa kahabaan ng Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.
Ibinunyag sa PSN ng impormante na tumatanggap ng P 4,000 kada linggo ang mga awtoridad kapalit ng malayang modus operandi ng mga nagma-may-ari ng mga gusaling tulad ng 392 night club; Head N Tail disco; Kinky bar; Georgetown; Curacha club; Pepe Caca super disco at ang mga bagong bukas na bahay-aliwan tulad ng Luna club; Sweet 16 KTV bar at Marteessans KTV na pagma-may-ari ng maimpluwensyang Taiwanese national na nagngangalang "Mr. Pah".
Bunga nito ay nakatakdang magharap ng reklamo ang mga konsernadong residente ng nasabing Barangay kay Interior and Local Government Secretary Joey Lina sa kawalang aksyong ginagawa ng naturang alkalde maging sina CIDG Regional Director Sr. Supt. Christopher Laxa at Police Regional Office-3 Director Chief Supt. Vidal Querol upang ipasibak sa puwesto sina Belluga at Sr. Insp. Jerry Sumbad ng Subic-PNP dahil sa pagpapabaya sa kani-kanilang tungkulin. (Ulat ni Jeff Tombado)