Jailbreak: Vice mayor,3 pa patay

CAMP CRAME – Apat na preso kabilang na ang vice mayor ng Datu, Piang, Maguindanao ang iniulat na nasawi makaraang pagbabarilin ng mga guwardiya habang pumupuga mula sa kulungan ng Kidapawan City, North Cotabato noong Sabado ng madaling-araw.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril ang mga presong sina Benny "Boy" Mokalid, vice mayor ng nasabing lugar at may kasong illegal possession of explosives; Rey Agad Abedin, may kasong kidnapping; Brando Agan at Udsa Langgoyoan.

Base sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, sina Mokalid at Abedin ay pinagbabaril at napatay ng mga alertong guwardiya ng kulungan matapos na maaktuhang tumatalon sa bakod palabas ng compound sa likurang bahagi ng provincial jail habang sina Agan at Langgoyoan ay binanatan sa isinagawang malawakang pagtugis.

Patuloy namang tinutugis ang dalawa pang presong pumuga na sina Rakman Tumindis at Moner Solaiman na kapwa kasamahan ni Mokalid.

Base sa ulat, naitala ang jailbreak bandang alas-3:15 ng madaling-araw sa Amas Provincial Jail ng nasabing lungsod.

Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang mga opisyal ng nasabing kulungan na may magtatangkang pupugang preso pero hindi nila alam ang modus operandi kaya inalerto ang mga guwardiya.

Hanggang sa wasakin ang pintuang bakal habang nakalingat ang mga guwardiya pero nakatawag ng pansin matapos na mamataang naglulundagan ang mga preso sa sementong pader papalabas ng compound.

Agad namang nagpaputok sa ere ang ilang guwardiya bilang babala na tumigil pero nagpatuloy pa rin sa pagtakas kaya napilitang barilin ang apat na naging sanhi ng kanilang kamatayan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments