2 tinodas habang natutulog

AROROY, Masbate – Dalawang obrero na nakitulog lamang sa bahay ng kanilang kaibigan ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kapitbahay sa Purok Rosas, Barangay Panique sa bayang ito kamakalawa ng gabi. Hindi na nasilayan pa ang sinag ng araw ng mga biktimang sina Eric Boy Padilla, 24, at Joseph Besmonte, 29, na kapwa residente ng Barangay Maoyod Legazpi City. Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Raul Mato, 31, may asawa ng nabanggit ding barangay. Napag-alaman sa ulat ng pulisya na bago makitulog ang mga biktima ay nakipag-inuman muna sa kanilang kaibigang sina Expedito Santiago at Nestor Manlapaz. Ayon pa sa imbestigasyon, hindi akalain ng mga biktima na may matinding galit ang suspek sa kanilang kaibigan kaya naganap ang krimen. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments