5 Tsino tiklo sa illegal fishing

CAMP AGUINALDO – Limang dayuhang mangingisda ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine Navy matapos na maispatan na nangingisda sa karagatang sakop ng Palawan kamakalawa.

Ayon kay Naval Forces West Commander Commodore Gilmer Batestil, bandang alas-2 ng hapon habang nagsasagawa ng operations ang patrol gunboat ng Philippine Navy nang mamataan ang F/V Lai Koon Fuk.

Agad namang nasukol ng mga tauhan ng Navy ang nasabing bangkang pangisda sakay ang limang Tsino bago pa man ito tuluyang makatakas.

Base sa imbestigasyon, ang nasabing bangka ay umalis sa Indonesia may ilang linggo na ang nakakaraan at patungo sana sa Hongkong upang magdala ng 600 kilo ng mameng at lapu-lapu.

Nabatid na hindi nakatala ang nasabing bangka na mayroong passage clearance.

Dahil dito, sinabi ni Batestil na direktang nilabag ng mga Tsino ang Section 87 (poaching) ng Republic Act 8550 o ang Philippine Fisheries Code of 1998.

Dinala na sa Puerto Princesa PNP ang nasabat na bangka at ang nalambat na mga dayuhan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments