Magka-live-in todas sa agawan ng baril

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Dahil sa matinding selos ay nasawi ang magka-live-in partner makaraang hindi sinasadyang pumutok ang pinag-aagawang baril sa Barangay Corrigedor, General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang magkarelasyong namatay na sina Airman 1st Class Waldimir Romanes, 31 ng Philippine Air Force (PAF) at residente ng Barangay Calumpang Cerca, Indang, Cavite at Janeth Alvarez, 26 ng Barangay Corregidor, General Trias, Cavite.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO2 Isagani Culanding, bago pa naganap ang pangyayari ay nagkaroon na nang mainitang pagtatalo ang dalawa tungkol sa pambabae ng lalaki matapos na magkita sa naturang lugar.

Ilan sa mga kapitbahay ng dalawa ang nakarinig ng malakas na putok kaya agad nilang tinungo at bumulaga ang duguang katawan ng magka-live.

May palagay ang pulisya na nagdala ng ibang babae si Romanes sa kanilang tinutuluyang bahay at nabalitaan naman ni Alvarez kaya naganap ang madugong pangyayari. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments