Ayon kay P/Sr. Insp. Conrado Masongsong, Inteligence and Investigation Officer ng Calamba PNP na dakong alas-8:30 ng umaga ay pinasok at hinoldap ng mga suspek ang sangay ng Bank of The Phillipine Island na matatagpuan sa Canlubang Industrial Site ng bayang ito.
Ang mga suspek na armado ng mga M-16, M-14 at M-203 rifles ay sakay ng asul na Mitsubishi Adventure (WFA-951) at kulay beige na Toyota Hi-Ace Grandia at mabilis na dinisarmahan ang dalawang security guard sa kanilang pagpasok sa bangko.
Anim na suspek ang siyang pumasok sa loob habang ang lima ay nagsilbing lookout.
Ang security guard na nakilalang si Alberto Alimuot ay tinadyakan sa ulo nang sipain ito ng isa sa mga suspek habang nakadapa.
Isang pulis na nakilalang si SPO3 Gregorio Mendoza na nagkataong nasa loob ng bangko at nagwi-withdraw ay dinisarmahan din at tinangay ang kanyang kal .45 pistol at two way radio sa pagtakas ng mga suspek.
Ayon sa mga saksi, tinatayang nasa 25-30 anyos ang mga holdaper na nakasuot ng fatigue uniform.
Sa kasalukuyan ay hindi madetermina ng manager ng bangko kung magkano ang natangay ng mga suspek. (Ulat ni Arnell Ozaeta)