2 bagets tinodas sa piyesta

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Dalawang kabataang lalaki ang iniulat na nasawi, samantala, dalawa naman ang malubhang nasugatan makaraang napagtripang pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki habang ang mga biktima ay dumayo ng kapistahan sa Barangay San Isidro, Uson, Masbate kamakalawa ng gabi.

Shotgun ang ginamit sa pagpatay kina Ronel Macasinag, 16; at Wilfrando Bauzo, 21, kapwa binata at magsasaka ng Barangay Arado sa Uso, Masbate.

Nasa kritikal na kondisyon naman at inoobserbahan sa Masbate Provincial Hospital sina Nelson Capellan, 23; Joebert Nono, 20; kapwa binata at magsasaka ng Barangay Paguihaman ng naturang lugar.

Hindi naman agad nakilala ang mga killer dahil sa biglang naglahong parang bula sa kadiliman na pinaniniwalaang napagtripan ang mga biktima.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na dumayo lamang ang mga biktima sa kapistahan ng nabanggit na barangay at habang naglalakad ang apat na magkakaibigan ay biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng shotgun at agad na bumulagta ang mga biktima. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments