Trike driver tinodas ng pasahero

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang traysikel driver ng kanyang pasahero sa panulukan ng Barangay Biga 1, Silang, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Sinikap naman dalhin sa Velasco Hospital ang biktimang si Tomas Acquisa, 64, may asawa ng ilang nakasaksi sa pangyayari pero idineklarang patay dahil sa mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naitala ang krimen dakong alas-4 ng madaling-araw habang ang biktima ay nakasakay sa kanyang traysikel na nakaparada at naghihintay ng pasahero.

Agad na lumapit ang isang hindi kilalang lalaki na nagpanggap na pasahero at sumakay ng traysikel ng biktima pero habang pinapaandar nito ang sasakyan ay biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok.

Ayon sa pulisya, biglang naglaho ang killer at namataan na lamang ng ilang saksi na duguang nakabulagta na ang biktima. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments