16-anyos na estudyante nailigtas sa kidnap

SAN PEDRO, Laguna – Nasagip ng mga barangay tanod ang isang 16-anyos na estudyante mula sa kamay ng mga kabataang kidnaper sa kahabaan ng national highway malapit sa Barangay Nueva sa bayang ito noong Martes ng umaga, Hunyo, 17, 2003.

Base sa ulat ng pulisya, kasalukuyang nakasakay sa mobile patrol car ang mga barangay tanod na sina Rey Genese, Jess Berroya, Elmar Hatulan at Renato Ortega ng marinig nilang sumasigaw ng saklolo ang biktimang itinago sa pangalang Arlene.

Agad na rumesponde ang mga barangay tanod upang saklolohan ang biktimang anak ng pulis at nasaksihan nilang isinasakay sa kotseng kulay maroon ng dalawang kidnaper.

Nadakip naman ang isa sa mga kidnaper na si Rowel Bernal ng Camella Homes South, Barangay Cuyab sa nasabing bayan pero nakatakas ang dalawang kasama nito.

Napag-alaman na ang biktima ay nabiktima na ng rape ng grupo ni Bernal at pinalalagay na muling pipilahan ng mga suspek pero nasagip ng mga barangay tanod. (Ulat ni Rene M. Alviar)

Show comments