2 patay sa road mishap

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang isa naman ang malubhang nasugatan makaraang suwagin ng owner-type jeep ang mga biktimang naglalakad sa gilid ng kalsada na sakop ng Marcos Highway sa Barangay Buhatan, Sorsogon City kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay sa St. Peter and Paul Hospital ang mga biktimang sina Nenita Lagamayo, 35, at Joseph Dolante, 22, na kapwa residente ng naturang barangay.

Nasa kritikal namang kondisyon ang apat-na- taong gulang na batang lalaki na si Nico Lagamayo, samantala, agad namang dinakip ng pulisya ang driver ng jeep (DKA-609) na si Romeo Oribiada, 48, may asawa ng naturang lugar.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, may nakasalubong na sasakyan ang owner-type jeep ni Oribiada at dahil sa nasilaw sa lakas ng ilaw ay gumilid ito pero hindi agad namataan ang tatlong biktima.

Hindi na nakuha pang maiwasan ni Oribiada ang mga biktima hanggang sa maganap ang aksidente. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments