3 todas, 2 kritikal sa jeep vs bus

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan Tatlo-katao ang kumpirmadong nasawi, samantala, dalawa naman ang malubhang nasugatan makaraang bumangga ang pampasaherong jeep sa kasalubong na aircon bus saka humampas sa tractor sa kahabaan ng Cagayan Valley Road na sakop ng Barangay Matimbubong, San Ildefonso, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktimang lulan ng jeep ay nakilalang sina Randy Sayco, 30; Mervin dela Cruz, 30, at Ricardo Miranda, 30, drayber ng pampasaherong jeep na pawang residente ng Barangay Casalat, San Ildefonso, Bulacan.

Inoobserbahan naman ang dalawang sugatang biktima na sina Richard Miranda, 30, at Ernesto dela Cruz, 29.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulis-Bulacan, binabagtas ng pampasaherong jeep ang kahabaan ng highway na sakop ng nasabing barangay nang lusutan nito ang Izusu tractor (TFA-300) na minamaneho ni Mario Agron.

Hindi naman akalain ng driver ng jeep na may kasalubong na rumaragasang pampasaherong aircon bus (BVF-884) kaya naganap ang trahedya.

Bukod sa pagkakabangga sa aircon bus ng jeep ay humampas ito sa nilusutang tractor at agad na namatay ang tatlo. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments