2 pamilya minasaker: 6 patay, 3 sugatan

Anim na miyembro ng dalawang pamilya ang iniulat na minasaker ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan sa magkahiwalay na trahedya sa Kalinga at Cavite kamakalawa.

Hindi naman nakasaad sa ulat ang pagkakakilanlan ng apat na nasawing biktima mula sa pamilya Sannadan na residente ng Barangay Amacian, Pinukpuk, Kalinga.

Samantala, nakilala naman ang minasaker na mag-inang sina Anabelle Zuñiga, 23, at anak na si Frances Ericka, tatlong- taong gulang, naninirahan sa Barangay Gregoria de Jesus, General Mariano Alvarez, Cavite.

Base sa ulat na isinumite sa Camp Aguinaldo, pinasok ang bahay ng pamilya Sannadan habang natutulog ang mga biktima bago binistay ng bala ng baril.

Tatlo sa pamilya Sannadan ay nakaligtas at malubhang nasugatan na ngayon ay inoobserbahan sa Kalinga District Hospital.

Narekober ng mga elemento ng Army’s 77th Infantry Battalion ang 16 basyo ng M16 assault rifle, tatlong basyo ng Carbine at lima naman sa shotgun.

May posibilidad na kasapi ng "Akyat-Bahay Gang ang nasa likod ng masaker pero hindi isinasantabi ang paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng New People’s Army ang isa rin sa responsable sa pamamaslang.

Kasunod nito, natagpuan naman ng pulisya at ilang opisyal ng barangay ang bangkay ng mag-inang Zuñiga sa sariling bahay sa nasabing lugar bandang alas-10:30 ng gabi noong Linggo.

Sa nakalap na impormasyon ni PO1 Richard Fermil, huling namataang buhay si Anabelle noong Linggo ng hapon na bumibili ng pagkain at may indikasyon na ang biktima ay pinatay sa pagitan ng ika-3 hanggang 4 ng hapon.

May teorya si P/Sr. Insp. Randulf Tuaño, GMA police chief na si Anabelle na may ilang saksak ng patalim sa buong katawan ay hinalay ng mga hindi kilalang lalaki dahil walang saplot sa kalahating bahagi ng katawan.

Ang anak nitong si Frances ay sinakal saka binalutan ng kumot at tinalian ng kawad ng kuryente na pinaniniwalaang tangkang ilabas pero hindi nagawa.

Ayon sa pulisya na posibleng kakilala ng mga biktima ang salarin dahil natagpuan ang dalawang tasa ng kape sa ibabaw ng mesa na nagpapahiwatig na mga bisita ng mag-ina. (Ulat nina Joy Cantos at Cristina G. Timbang)

Show comments