Ang bangkay ng biktimang si Tang Huan ay narekober habang lulutang-lutang sa karagatan gayundin ang dalawa nitong escort na sina Richard Bona at Arvie Acebuche na nadamay sa krimen bandang alas-6 ng gabi kamakalawa sa baybaying-dagat ng El Nido ng nasabing lugar.
Kasabay nito, agad namang naaresto ang tatlong suspek na sina Eddie Bona, Dennis Alcovindas alyas Ondo at Elmer Bona, pawang mga empleyado ni Huan matapos na ituro ng dalawang mangingisda na siyang pumaslang sa dayuhang negosyante habang naglalayag sa naturang karagatan.
Pinaghahanap naman ang isa pang suspek na sangkot din sa krimen na kinilala namang si Noeh Bona na umanoy siyang tumangay ng malaking parte sa pera.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, tinangkang itago ng mga suspek ang krimen kayat matapos na barilin sa ulo si Huan ay itinapon ang bangkay nito sa dagat upang ipakain sa pating.
Samantala, nadamay naman sa pamamaslang sina Richard at Arvie matapos tumanggi sa maitim na balak ng mga suspek na nakawan at patayin ang kanilang amo.
Nabatid na si Huan kasama ang ilan nitong empleyado ay may dalang P6 milyon maliban pa sa P5 milyong treasury warrant forms, nang maglayag sa karagatan ng El Nido nitong nakalipas na Miyerkules pero napaulat lang ang pagkawala ng biktima noong Biyernes matapos hanapin ng kanyang asawang si Mary Grace Huan.
Nasamsam naman mula kay Alcovindas ang P1.8 milyon na ibinaon nito sa Sitio Pamulatan, Brgy. Liminangcong, Taytay, Palawan.(Ulat ni Joy Cantos)