Hindi pa natukoy ang mga pangalan nang narekober na bangkay na inaasahang tataas pa habang patuloy ang isinasagawang search and rescue operations ng pinagsanib na elemento ng Phil. Navy (PN) at Phil. Coast Guard (PCG) na nagresponde sa lugar ng banggaan.
Aabot naman sa 162 na pasahero ang nailigtas habang nagsasagawa ng rescue operations ang mga awtoridad.
Sa inisyal na report na tinanggap kahapon ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ernesto de Leon, naitala ang insidente dakong alas-11:20 ng umaga malapit sa Tabones point may ilang milya ang layo mula sa isla ng Corregidor.
Nabatid na ang barkong M/V San Nicolas ay patungong Manila mula sa Coron, Palawan at Super Ferry 12 na patungo naman sa Cebu City ang nagbanggaan sa karagatan na nasa pagitan ng Batangas at Cavite.
Ayon sa ulat, may lulang 168 pasahero at 25 tripulante ang M/V San Nicolas nang makabanggaan nito ang Super Ferry 12 na may mga pasahero rin.
Agad ipinag-utos ni De Leon ang pagdidispatsa ng LSV 550 at isang patrol gunboat 372 upang tumulong sa PCG Edsa 002 sa pagliligtas sa mga posible pang survivors sa trahedya.
Nahihirapan naman ang mga miyembro ng search and rescue operation dahil sa malakas na buhos ng ulan na nagiging sanhi ng paglaki ng alon.
Hindi man lamang natinag ang Super Ferry 12 habang ang M/V San Nicolas ay lumubog dahil nabutas ang unahan nito. (Ulat nina Joy Cantos at Cristina G. Timbang)