5-katao grabe sa granada

GABALDON, Nueva Ecija – Lima-katao ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang sumabog ang inihagis na granada ng senglot na lalaki habang ang mga biktima ay nakatayo sa kalye na sakop ng Barangay South Poblacion sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan ngayon sa Dr. Paulino J. Garcia Hospital sa Cabanatuan ang mga biktimang sina Arnel Samonte, 38; Apolonio Torres Jr., 49, kapwa residente ng Barangay Sawmill; Arnold De Guzman, 38; Medil Marigmen, 33, kapwa residente ng Barangay Cuyapa at Elizabeth Charila, 33, ng Barangay North Poblacion.

Samantala, pinaghahanap naman ng pulis-Gabaldon ang suspek na si Gil G. Laurente, 36, may asawa ng nabanggit na barangay.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na lango sa alak ang suspek na nairita dahil sa pambabato sa kanyang bahay ng hindi kilalang lalaki.

Agad na nilapitan ng suspek ang nambato sa bubong ng bahay hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo. Mabilis namang pumasok sa sariling bahay ang suspek at paglabas ay may dala nang granada.

Dahil sa lango sa alak ang suspek ay inihagis na lamang nito ang granada bandang alas-10:30 ng gabi na nagresulta para malagay sa bingit ng kamatayan ang mga biktima. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments