Daang residente nagsilikas

Cotabato City – Tinatayang mahigit sa isandaang pamilya ang nagsilikas sa kanilang mga tahanan sa Bayan ng Alamada, North Cotabato dahilan sa patuloy na pagbabanta ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na muling aatake matapos na mapaslang nitong nakalipas na linggo ang anim na sibilyan na tumangging magbayad ng revolutionary tax sa separatistang grupo.

Ayon kay Alamada Mayor Ernesto Concepcion, Chairman ng Municipal Peace and Order Council, pinagsusumikapan na ng lokal na pamahalaan na makipagdiyalogo sa mga lider ng MILF upang huwag ng madamay ang mga inosenteng sibilyan.

Nabatid na ang mga evacuees ay mula sa Upper Valley, New Leon, Palipayen at Togonan na ngayo’y kasalukuyang kinakanlong sa Brgy. Dado ng nasabing bayan.

Magugunita na binalot ng tensiyon ang naturang mga lugar matapos na tambangan at mapatay ng mga rebeldeng Muslim ang anim na sibilyan habang nagbebenta ng kanilang mga produkto sa Pamilihang Bayan ng Alamada.

Sa nasabing pag-atake, anim na sibilyan ang nasawi habang tatlo pa ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ng mga rebeldeng MILF.

Nagpakalat na ng mga tauhan si Major Gen. Generoso Senga, Commander ng Army’s 6th Infantry Division (ID) sa mga istratehikong lugar sa Bayan ng Alamada upang mapigilan ang posible pang mga paghahasik ng terorismong MILF rebels. (Ulat ni John Unson)

Show comments