Itinalaga ni Justice Secretary Simeon Datumanong, sina Justice Undersecretary Jose Calida, Fiscal Theodore Villanueva at Ruben Zacarias para matukoy kung sino talaga ang dumukot sa limang aktibista na ikinasawi ng dalawa.
Sina Eden Marcellana, secretary general ng grupong Karapatan at Eddie Gumanoy, chairman ng grupong Kasama na kapwa nakabase sa Timog Katagalugan ay natagpuang patay noong Abril 22 sa Bansud, Oriental Mindoro.
Samantala, sina Francisco Saez, Melvin Jocson at Virgilio "King" Catoy, film maker na pawang miyembro ng Anakpawis at Anakbayan ay kasalukuyang nasa kanilang mga kamag-anak na naunang napaulat na nawawala pa.
Inakusahan ng grupo ng mga biktima na ang nabanggit na vigilante group ay death squad ng 204th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Gen. Jovito Palparan.
Bago pa maganap ang pangyayari ay nagsasagawa ng imbestigasyon ang grupo ng mga biktima tungkol sa pang-aabuso ng militar mula sa 204th Infantry Battalion sa naturang lalawigan.
Naganap ang pangyayari noong Lunes ng gabi sa Barangay Maibon, Naujan, Oriental Mindoro makaraang harangin ng vigilante group ang sasakyan ng mga biktima patungo sa Calapan City mula sa bayan ng Gloria at Pinamalayan. (Ulat ni Gemma Amargo)