Kinumpirma na ni P/Sr. Supt. Leopoldo Bataoil, tagapagsalita ng PNP na natagpuan ang bangkay nina Eden Marcellana, 31, at Eddie Gumanay, samantala, ang kasalukuyan pang nawawala ay sina Fancisco Saez, Melvin Jocson at Virgilio "King" Caloy II, film- maker at pawang kasapi ng ANAKPAWIS sa naturang lugar.
Ayon kay Elmer Labog, secretary-general ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ang bangkay nina Marcellana at Gumanay ay nadiskubre sa madamong bahagi na sakop ng Barangay Tigisan, Bansud, Oriental Mindoro kahapon ng umaga.
Si Marcellana ay secretary-general ng grupong KARAPATAN-ST habang si Gumanay naman ay chairperson ng grupong KASAMA-ST.
Base sa ulat, nagsasagawa ng survey at documentary film ang grupo ng biktima tungkol sa human rights violation ng 204th Brigade sa pamumuno ni Col. Jovito Palparan sa bayan ng Gloria at Pinamalayan.
Binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng highway patungo sa Calapan City bandang alas-8:30 ng gabi nang harangin ng mga naka-bonnet na nagpakilalang mga miyembro ng ALSA MASA, vigilante group na lumalaban sa makakaliwang grupo.
Inakusahan naman ng militanteng grupo na ang ALSA MASA ay pawang miyembro ng 204th Infantry Brigade death brigade ng Phil. Army, ngunit pinabulaanan naman ni Col. Palparan na sangkot ang kanyang mga tauhan sa naganap na pagdukot.
"Kung may ebidensya ang grupo ng militante na ang aking mga tauhan ay sangkot sa pagdukot ay paiimbestigahan ko," ani Col. Palparan. (Ulat ni Danilo Garcia)