4 patay sa road mishap

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Apat-katao ang iniulat na nasawi makaraang araruhin ng trak ang dalawang traysikel na sinasakyan ng mga biktima na bumabagtas sa kahabaan ng Barangay San Juan Dos, General Trias kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang nasawi na sina Salvador Sanchez, 32; Roberto Cathedral, 22, kapwa drayber ng traysikel; Teody Baltoribio, 33 at Jayson Guerta, 22, pawang residente ng Barangay Pasong Camachile Dos sa naturang lugar.

Nakakulong naman ang drayber ng trak (UHB-631) na si Jose Medina, 42, ng Barangay Manggahan, General Trias.

Napag-alaman sa ulat ni PO1 Jojit Ramos, naganap ang aksidente dakong alas-11:30 ng gabi.

Bumabagtas na magkasunod ang dalawang traysikel sa nabanggit na barangay sakay ang kanilang pasahero nang biglang sumulpot ang trak.

May teorya ang mga imbestigador ng traffic division na hindi napuna ng drayber ng trak ang dalawang traysikel kaya naganap ang aksidente. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments