Sa anim na pahinang desisyon ni Malolos City Regional Trial Court Judge Andres B. Soriano, Branch 13, pinatawan ng bitay si Amadeo Tinsay matapos na mapatunayang nagkasala ng kasong rape laban sa sariling anak noong Enero 22, 2000.
Bukod sa hatol na bitay ay pinagmumulta rin ng korte si Amadeo ng P150,000 bilang danyos perwisyo sa sariling anak na isang mag-aaral sa elementarya.
Base sa record ng korte, ang pangyayari ay ipinagbigay alam ng biktima sa kanyang guro at ipinaalam naman sa ina hanggang sa magsampa ng reklamo ang mag-ina sa himpilan ng pulisya.
Hindi naman kinatigan ng korte ang alibi ng akusado bagkus ay binigyan ng timbang ang testimonya ng biktima sa kadahilanang hindi magsisinungaling ang bata sa naganap na krimen. (Ulat ni Efren Alcantara)