Mayor, DPWH officials sinampahan ng graft ni Lacson

Nagsampa ng reklamo sa Ombudsman si Sen. Panfilo Lacson laban sa isang alkalde at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa sub-standard na farm-to-market road sa Balagtas, Bulacan.

Sa 5-pahinang affidavit ni Sen. Lacson, kinasuhan niya ng graft sina Balagtas Mayor Reynaldo Castro, District Engr. Marcelo Mendiola, Asst. Dist. Engr. Ernesto Reyes, Project Engr. Rafaelito Marcelo, Chief implementing section chief Jesus Torres, Site supervisor Arnel Gonzales at ang contractor na si Robert Imperio ng IM construction corporation.

Sinabi ni Lacson, natuklasan ng kanyang mga volunteer engineers na sub-standard ang pagkakagawa ng farm-to-market road mula sa Barangay Santol, Dalig at Pulong Bato sa bayan ng Balagtas na pinondohan ng kanyang Priority Development Assistance Fund o pork barrel noong 2001.

Inatasan ng mambabatas ang DPWH na kumpunihin ng contractor ang nasabing proyekto subalit ng bisitahin muli kamakailan ng mga volunteer engineers ni Lacson ay hindi pa rin ito pasado sa standards kaya naghain na ito ng reklamo.

Magugunita na pinangunahan ni Lacson ang hindi na paggamit ng pork barrel sa taong ito kasabay ang panawagan sa kasamahan niya sa senado at kamara na huwag ng gamitin ang kanilang pork barrel. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments