Duguang nakabulagta ang biktimang si Gerardo Quijano ng Barangay Rio Chico makaraang barilin sa dibdib ng nag-iisang lalaki na pinaniniwalaang kasapi ng makakaliwang grupo na nasa ilalim ng mission test.
Ang pangyayari ay naipagbigay-alam ng isang hindi kilalang tinedyer mula sa General Tinio sa himpilan ng pulisya.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya, si Quijano ay ikalawang opisyal ng barangay na itinumba ng NPA sa loob lamang ng tatlong araw na nakalipas.
Naunang pinatay si Barangay Chairman Rolando "Jack" Pascual, 43, ng Camp Tinio, Cabanatuan City noong Miyerkules ng gabi sa harap ng barangay hall.
Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, kasalukuyang nakikipag-usap si Quijano sa ilang miyembro ng Bantay-Bayan nang biglang sumulpot ang nag-iisang killer at pinaputukan ang biktima.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya kung may atraso ang mga biktima sa mga rebelde at sinisilip din kung may kaugnayan sa pangangalap ng revolutionary tax na sinasalungkat ng dalawang barangay chairman. (Ulat nina Christian Ryan Sta. Ana at Manny Galvez)