Ang nadiskubreng kill plot ay ibinulgar ni P/Chief Inspector Rhoderick Armamento, Chief ng Provincial Intelligence and Investigation Bureau (PIIB).
Kinilala ang mga opisyal na target patayin ng mga rebelde na sina P/Supts. Jesus Manubay, Provincial Director ng Nueva Vizcaya; Peter Guibong, hepe ng 308th Provincial Mobile Group (PMG) at Rufino Escote, hepe ng Science City ng Muñoz; P/Sr. Inspectors Romeo Velasco, hepe ng Lupao at Manolo de Guzman na siya namang hepe sa bayan ng Carranglan.
Ang intelligence report ay ipinarating ni P/Sr. Supt. Luisito Palmera, PNP Provincial Director kay P/Supt. Danilo Constantino, Chief ng Police Regional Office (PRO) 3.
Napag-alaman na balak umanong itumba ng mga rebelde ang nabanggit na mga opisyal bilang resbak sa pagkasawi sa sagupaan ng isa nilang kasamahang rebelde noong Nobyembre 20, 2002.
Isa umanong NPA Commander na kinilalang si Ely Taray Agmaliw alyas Ka Omeng ang nagpalabas ng kautusan upang paslangin ang naturang mga opisyal ng pulisya.
Bunga nito, inalerto na ang lokal na puwersa ng pulisya sa lugar upang hadlangan ang masamang tangka ng mga rebeldeng komunista.
Magugunita na nitong nakalipas na buwan ay ibinulgar rin ng militar ang planong paglikida ng mga rebelde kina 7th Infantry Division (ID) Commanding General Maj. Gen. Alberto Braganza, Col. Jovenal Narcise, Commander ng 702nd Infantry Battalion (IB) at Lt. Col. William Campos. (Ulat ni Manny Galvez)