Kahit na desperado na ang nagsisitakas na rebelde ay nakuha pa nilang magpaulan ng bala ng kanyon sa kampo ng 1st Marine Brigade malapit sa bayan ng Parang, Maguindanao.
Inatasan naman ni Pangulong Gloria Macapagal ang militar na sakupin na ang Buliok complex makaraan ang limang araw na bakbakan na naging sanhi ng pagkamatay ng aabot sa 200 katao na karamihan ay pawang kasapi ng MILF.
Gumawa na ng maliit na command post ang militar sa nabanggit na complex at inalerto na ni Lt. General Narciso Abaya, hepe ng Armed Forces Southern Command upang hadlangan ang anumang pag-atake ng mga rebelde na nagkawatak-watak dahil sa pagpapaulan ng bala ng kanyon ng militar.
Sa kasalukuyan naman, nag-grupo ang mga rebelde para muling bumanat sa mga kampo ng militar.
Sinusuyod naman ng tropa ng militar ang naturang lugar upang maghanap ng mga napatay na rebelde, baril at booby traps, samantala, ang ibang tropa ng militar ay natuloy sa kanilang operasyon sa ibang lugar para tugisin ang mga nagsisitakas na kasapi ng Pentagon Gang. (Ulat ng AFP)