Ang nangyaring hijacking ay inireport sa Cabuyao Police Station ng isang empleyado ng Nissin Lucky Me noodles na kinilalang si Maricel Galang.
Nabatid na hinarang at tinangay ng mga armadong suspect ang kanilang delivery van dakong alas-11:30 ng gabi habang bumabagtas sa kahabaan ng Brgy. Banlic ng naturang bayan.
Una rito, inireklamo ng Japanese Chamber of Commerce at European Chamber of Commerce ang malalang sitwasyon ng highjacking sa Calabarzon area bunga na rin ng pagkalugi ng bilyong pisong puhunan ng mga negosyante.
Dahil dito, binuo ng PNP-Traffic Management Group (TMG) ang isang Task Force na magbabantay sa mga highways at hahabol sa sindikato ng mga hijackers.
Base sa imbestigasyon, hinarang ng mga suspect ang isang Isuzu van na may plakang TDR 336 na minamaneho ng driver na si Rollie de Guia, 29 anyos habang lulan naman ang mga pahinante nitong sina Jimmy Odista, 28 at Rolando Angeles, 20, ng tatlong armadong lalaki sa may San Isidro Road, Cabuyao, Laguna.
Kasalukuyan ngayong nagsasagawa ng operasyon ang Cabuyao Police Station upang mahanap ang naturang kontrabando at ang tinangay na van. (Ulat ni Danilo Garcia)