Kahit tadtad ng tama ng bala ng baril ay isinugod pa rin ng ilang kapitbahay sa Ramon Magsaysay Hospital ang biktimang si Mario Payumo, barangay chairman ng naturang lugar.
Maskarado at pawang nakasuot ng camouflage ang mga rebelde na tumakas matapos na isagawa ang krimen bandang alas-7:40 ng gabi.
Napag-alaman sa ulat na isinumite ni P/Chief Insp. Laurence Mercado, Iba police precinct commander kay P/Sr. Supt. Jaime Calungsod, Zambales police director, kasalukuyang nagpapahangin at nakikipaghuntahan ang biktima sa kanyang mag-ina sa harap ng sariling bahay.
Dumating ang mga rebelde sa bahay ng biktima na nagsabing manghihiram lamang ng baril kasabay na pumasok ang ilan pang rebelde sa loob ng bahay ng pamilya Payumo.
Makaraang makuha ang nakatagong M-14 grenade launcher, shotgun, cellphone at portable radio ay kinaladkad naman papalabas ng bahay ang biktima habang yakap-yakap ng asawang umiiyak ng pasigaw.
Napag-alaman pa sa ulat na nagmamakaawa ang asawa sa mga rebelde na huwag patayin ang kanyang mister, ngunit tinuluyan pa ring patayin sa hindi pa nabatid na dahilan. (Ulat nina Erickson Lovino at Jeff Tombado)