Misis na nakipaghiwalay sa mister pinatay

CAMP AGUINALDO – Dahil sa pagtangging makipagbalikan ay naging ugat ng kamatayan ng isang misis makaraang tadtarin ng saksak ng sariling asawa sa Binangonan, Rizal kamakalawa ng gabi.

Animo’y kinatay na hayop ang katawan ng biktimang si Divina Montemayor Flores, 35 at residente ng Sitio Manggahan, San Carlos Site Division, Barangay Tayuman sa nabanggit na bayan.

Samantala, tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Dominador Flores, construction worker sa hindi nabatid na lugar.

Base sa imbestigasyon ni PO2 Alvin Millarez, naganap ang krimen dakong alas-11:45 ng gabi sa bahay ng babae sa nabanggit na barangay.

Nabatid pa na bumisita ang suspek sa dati nilang bahay simula ng magkahiwalay ang mag-asawa may isang buwan na ang nakalilipas.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya, hinihimok ng suspek ang kanyang misis na magkabalikan na sila ngunit mariing tumanggi ang biktima hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo.

Sa pag-aakalang may ibang lalaki ang biktima kaya ayaw makipagbalikan pa ay inundayan nang sunud-sunod na saksak ang kanyang misis hanggang sa mapatay. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments