Sa naging pahayag ni Major Julieto Ando, nagsimula ang sagupaan noong Biyernes matapos na magtungo ang tropa ng militar sa nabanggit na bayan malapit sa Polomolok, Sultan Kudarat para tugisin ang notoryus na Pentagon gang na kinaaaniban din ng mga dating rebelde.
Kaagad namataan ng mga kasapi ng Pentagon gang ang paparating na tropa ng militar kaya nagsimulang nagpaputok ng baril at gumanti naman ang tumutugis na kawal na may back-up na helicopter gunships.
Ayon pa kay Ando, nagsitakas ang grupo ng Pentagon gang patungo sa lugar na malapit sa kampo ng MILF rebels sa Polomolok, Sultan Kudarat at dito na nagsimulang magpaputok ng baril ang mga rebeldeng MILF upang suportahan naman ang Pentagon gang.
Anim kaagad ang nasawi sa panig ng rebelde at isang kawal ang nasugatan habang nagsilikas naman ang mga residente upang hindi maipit sa naganap na engkuwentro kahit na may kasunduan ang pamahalaan at MILF rebs sa isinulong na peace talks noong 2001.
Kinumpirma naman ni MILF spokesman Eid Kabalu na sinuportahan nila ang Pentagon gang dahil sa nagulantang na lang ang mga rebelde na umaatake na ang tropa ng militar.
Ayon pa kay Kabalu, pumasok ang mga kasapi ng Pentagon gang sa kanilang kampo at hindi nila alam na mga wanted palang kidnaper kaya nagdesisyong lumaban ang MILF rebels.
Nabatid naman kay Colonel Agustin Dema-ala, local army commander na wala na silang oras para kontakin ang MILF rebs dahil na rin sa pagtugis sa Pentagon kidnap-for-ransom gang. (Ulat ni Joy Cantos at ng AFP)