Granada sumabog; 1 patay, 5 grabe

CAMP CRAME – Pinaniniwalaang pinaglaruan ang granada kaya sumabog na ikinasawi ng isa, samantala, lima naman ang malubhang nasugatan sa Barangay San Mariano, Sta. Marcela, Apayao, kamakalawa ng gabi.

Agad na nasawi si Roel Fronda habang inoobserbahan naman sa Cagayan Valley Medical Center sina Willy Fronda, Jojo Pudiguet, Jeffrey Gadduang, Efren Bacnat at Roger Dumaguing, dating barangay chairman.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na nakarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang pangyayari dakong alas-9:30 ng gabi sa bahay ni Alex Padiquet.

Ayon pa sa pagsisiyasat, magkakasamang nag-iinuman ang mga biktima nang ilabas ni Dumaguing ang granada saka pinagyabang at pinaglaruan.

Dahil sa natanggal ang safety pin ng granada ay natarantang inihagis ni Dumaguing kay Fronda kaya napuruhan naman ang nasawing biktima. Inaalam naman ng pulisya ang pinagmulan ng granada. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments