Motorsiklo sinalpok, pulis dedo

Isang kagawad ng pulis-Panabo ang iniulat na nasawi makaraang banggain sa likurang bahagi nang minamanehong motorsiklo ng kasunod na motorsiklo sa kahabaan ng Kilometer 20, Lasang, Davao City kamakalawa ng hapon.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Davao Medical Center si SPO4 Delfino Dawal, samantala, malubhang nasugatan naman ang nakabangga na si Romeo Tagusan.

Sa isinumiteng ulat ng pulisya sa Camp Crame, naganap ang aksidente dakong alas-4:30 ng hapon habang nagmomotorsiklo ang biktima at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nabangga ang likurang bahagi ng sasakyan ng pulis kaya kapwa tumilapon.

Narekober sa pinangyarihan ng aksidente ang baril ni Dawal at kalibre 38 baril na pag-aari naman ni Tagusan na sasampahan ng kasong illegal possession of firearms. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments