Doktor itinumba sa harap ng bahay

Binaril at napatay ang isang doktor sa harap mismo ng sariling anak ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki habang binubuksan ang gate ng kanilang bahay sa San Nicolas Daliao, Toril, Davao City kamakalawa ng gabi.

Sapul sa ulo ang biktimang si Dr. Agusto Alvarez, 35, ng Waling-Waling Street sa nabanggit na lugar, samantala, ang anak na si Miguel ay hindi makausap ng pulisya dahil sa pagkabigla sa nasaksihang krimen.

Sa isinumiteng ulat ng pulis-Davao kahapon sa Camp Crame, naitala ang krimen bandang alas-6:05 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima.

Kararating pa lamang ng doktor sakay ng kanyang Mitsubishi Lancer at bumaba upang buksan ang gate ng kanilang bahay nang lapitan ng hindi kilalang lalaki saka binaril sa ulo.

Kaagad naman tumakas ang killer na may kasama pang isa na naka-motorsiklo at pinalalagay na bayaring mamamatay-tao ang gumawa ng krimen at kasalukuyang inaalam ang motibo.

Napag-alaman pa na isinugod pa rin ng mga katulong ang biktima sa Sanitarium Hospital ngunit idineklarang patay.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments