Kinilala ng pulisya ang pamilyang minasaker na sina Elizalde Tolentino, 44; asawang si Crisanta, 41 at anak na si Gelli, samantala, isa sa apat na suspek na positibong namataan ng mga nakasaksing kapitbahay na kasama ng tatlo ay nakilalang si Jonjon Espigue na dating kasapi ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Si Elizalde ay dating miyembro ng Rebolusyunaryong Hukbong Bayan na kaalyado ng CPP/NPA at nagbalik-loob sa pamahalaan bago nagtayo ng maliit na negosyong tindahan.
Sa inisyal na imbestigasyon na isinumite kay P/Supt. Salvador Santos, hepe sa lungsod na ito, naitala ang pamamaslang sa pamilya Tolentino dakong alas-7:30 ng gabi makaraang biglang sumulpot ang apat na kalalakihang may hawak ng malalakas na kalibre ng baril.
Dahil sa pagkabigla ng mag-asawa ay hindi na nakuhang makapagtago dahil sa bilis ng pangyayari.
Kaagad na pinaputukan ang mag-asawa at nadamay naman ang anak na nakahiga at nagpapahinga sa duyan sa loob ng kanilang bahay.
Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan ang krimen sa dating pagkatao ng biktima dahil naitalagang brgy. tanod at kasapi ng Task Force Matang Lawin ng Malolos police station bago mapaslang si Elizalde. (Ulat ni Efren Alcantara)