Pulis tinodas sa campus

Pinatay ng mga hindi nakilalang lalaki ang isang pulis sa loob ng isang unibersidad habang hinihintay nito ang kanyang asawa, kamakalawa ng hapon sa Marawi City.

Nagawa pang maisugod sa Mercy Community Hospital ngunit hindi na naisalba ang buhay dahil sa tinamong iba’t ibang tama ng bala sa buong katawan ng biktimang si PO3 Renato Andam, nakatalaga sa Lanao del Sur Police Provincial Office.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:30 kamakalawa ng hapon sa loob ng Marawi Capitol College Foundation na matatagpuan sa Banggolo, Marawi City.

Nabatid na hinihintay ng biktima ang kanyang asawa na empleyado ng nabanggit na unibersidad nang bigla na lamang itong lapitan ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan.

Agad na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima hanggang sa tuluyan na itong humandusay sa lupa kung saan eksakto namang dumating ang asawa nito at agad na humingi ng tulong sa mga nakasaksi upang isugod ito sa pagamutan.

Samantala, tinamaan din ng ligaw na bala ang biktimang si Analyn Closan, 21-anyos, faculty member ng nabanggit na paaralan at agad na isinugod sa MSU Infirmary.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang kilalanin at agad na maaresto ang mga salarin sa nabanggit na insidente. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments