Sa ginanap na simpleng seremonya dakong alas-10 ng umaga sa Brgy. Pimugay sa bayan ng Baras, iprinisinta nina Major Gen. Roy Kyamko, chief ng AFP-Southern Luzon Command, 2nd Infantry Division Chief, Major Gen. Efren Abu at iba pang military officials ang mga nagsisukong rebelde kay Pangulong Arroyo.
Sinabi ni Col. Ruben Clarito, spokesman ng 2nd Infantry Division na nakabase sa Tanay, Rizal na ang grupo ng mga rebelde ay nagsisuko sa batas matapos ang dalawang buwang serye ng negosasyon.
Karamihan umano sa mga nagsisukong rebelde ay mula sa mga liblib na lugar sa mga bayan ng Rodriguez, San Mateo, Tanay, Pililla, Antipolo City, at iba pa na kilalang balwarte ng mga komunistang grupo sa Rizal sa ilalim ng Narciso Aramil Command.
Nabatid pa na ang grupo ay aktibong nag-ooperate sa tri-boundary ng Rizal, Laguna at Quezon.
Inihayag pa ni Clarito na pinagkalooban ang mga nagsisukong rebelde ng P2,500 cash assistance, P4,000 mula sa Philippine Charity Sweepstakes, foodstuffs na personal na iniabot ni Pangulong Arroyo.
Gayundin, ginarantiyahan din ng livelihood assistance ang mga ito upang makapagsimula ng pagbabagumbuhay.
Inamin naman ng mga rebelde sa isinagawang inisyal na interogasyon na nagpasya silang sumuko sa batas matapos na ma-pressure sa opensiba ng militar gayundin, halos wala na umano silang makain sa kabundukan at ideklarang Foreign Terrorist Organization ng Estados Unidos na sinuportahan naman ng 15 member states ng European Union. (Ulat nina Joy Cantos,Danilo Garcia at Lilia Tolentino)