Napag-alaman sa nai-broadcast na ulat sa Aksyon Radyo Iloilo, kinilala ang biktima na si Jefferson Tan, 1st year sa Iloilo Chinese Community High School, anak ng prominenteng trader na si Joseph Tan sa Iloilo City at may-ari ng JECO Distributors.
Base sa ulat ng pulisya, ang biktima ay sinundo ng kanilang drayber bandang alas-5 ng hapon at papalabas na sana ng eskuwelahan nang mahagip ang hindi kilalang lalaki na nagbibisikleta na pinaniniwalang kasabwat ng mga kidnaper saka nakiusap na ihatid sa ospital kasama ang tatlo pang hindi kilalang lalaki.
Ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay sapilitang pinaalis ang drayber ng sinasakyang kotse ng biktima saka pinaharurot sa hindi nabatid na direksyon.
Ayon pa sa ulat, humihingi ng P50-milyon ransom ang mga kidnaper ngunit bumaba ng P10-milyon kapalit ng kalayaan ng biktima.
Nakiusap naman si P/Chief Supt. Marcelo Navarro Jr., police regional chief ng Western Visayas sa mga media na news blackout muna upang hindi maantala ang follow-up operation ngunit naiulat din sa lokal na pahayagan.
Napag-alaman pa sa ulat na hindi nakikipag-ugnayan ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad, maging ang eskuwelahan ng bata ay nagpalabas ng memorandum sa lahat ng kanilang faculties na iwasang magbigay ng statement sa kaninuman partikular na sa media. (Ulat ni Leo Solinap)