3 kidnaper nalambat, 2 biktima nailigtas

Tatlong kidnaper na sangkot sa mga nagaganap na kidnap-for-ransom ang nadakip ng pulisya, samantala nailigtas naman ang sanggol at tinedyer na lalaking dinukot sa isinagawang entrapment operation, kamakalawa ng gabi sa Pangasinan at Quezon City.

Nakilala ang mga nadakip na kidnaper na sina Alma Mendoza alyas Zenaida Pedro; Rose de Castro; at si Michael Hidalgo, 26, residente ng Antipolo City.

Nasa pangangalaga ngayon ng mga magulang ang nasagip na si Thea Peñaflorida, isang-taong gulang, ng Sta. Maria, Pangasinan samantala, nasagip din ang 16-anyos na si Alvin Chris dela Cruz na kinidnap ni Hidalgo.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng entrapment operation ang Police Anti-Emergency Responce (PACER) at PNP-Intelligence Group dakong alas-10 ng gabi sa may Quezon bus terminal na napagkasunduang ibibigay ang ransom money.

Nauna rito, nag-apply umano bilang yaya si Mendoza sa pamilya Peñaflorida at natanggap naman. Tinangay ng suspek ang kanyang alagang bata noong Oktubre 13.

Sa negosasyon, humingi ng P1 milyon ang suspek sa pamilya ng biktima hanggang sa naibaba sa P50,000 at itinakda ang bayaran.

Nabatid na nanaharap din sa kasong kidnapping si Mendoza sa pagdukot sa batang si Van Angelo Mangallan noong Setyembre 18 na nasagip matapos na magbayad ng P50,000 ransom ang pamilya nito.

Nadakip naman si Hidalgo sa UP Balara, Quezon City noong Oktubre 15 at narekober ang P39,500 na natitira sa P100,000 ransom at alahas na ibinayad ng pamilya ng biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments