Piskal at kasama kritikal sa saksak

Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang fiscal at kasama nito makaraang saksakin ng isang adik habang ang dalawa ay papasakay ng taxi sa Brgy. Atplo, Mambusao, Capiz kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang dalawang biktima na sina Atty. James Advincula, fiscal sa Roxas City Prosecutor’s Office at kasama nitong si Eugene Legarda, 28, na ngayon ay inoobserbahan sa Roxas City Hospital.

Samantala, ang suspek na pinaniniwalaang adik sa droga ay nakilalang si Noel Delfin, alyas Bugoy na ngayon ay tinutugis ng pulisya.

Base sa nakarating na ulat sa Camp Crame, naitala ang krimen dakong alas-12:15 ng madaling-araw habang papasakay ang dalawa sa taxi mula sa videoke bar ng nabanggit na barangay.

Biglang sumulpot ang suspek sa tagilirang bahagi ni Advincula saka pinagsasaksak at sa aktong pipigilin ni Legarda ang pangyayari ay tinusok din siya saka mabilis na tumakas si Delfin sa hindi nabatid na direksyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments