Titser patay sa ligaw na bala

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang kinalawit ni kamatayan ang buhay ng isang titser ng pampublikong paaralan makaraang tamaan ng ligaw na bala mula sa pinaglaruang baril ng kanyang kamag-anak sa kanilang bahay sa Brgy. Bato, Panay, Capiz, kamakalawa ng umaga.

Idineklarang patay sa St. Anthony Hospital ang biktimang si Lourdes Laz-Buyu, 50, samantala, ang suspek na sumuko naman sa pulis-Panay ay kinilalang si Victor Buyu, malapit na kamag-anak ng asawa ni Lourdes na si SPO2 Lorenzo Buyu.

Napag-alaman sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, sandaling ipinahawak ni SPO2 Buyu ang kanyang baril kay Victor at pinaglaruan habang nasa loob ng bahay ngunit nakalabit nito ang gatilyo kaya napuruhan ang biktima bandang alas-8 ng umaga.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments